schema:text
| - SUMMARY
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Ang sabi-sabi: Nag-post ng link ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan maaaring mag-apply para sa P5,000 cash assistance.
Marka: HINDI TOTOO
Bakit kailangang i-fact-check: Ang naturang Facebook post ay umani ng 747 reactions, 1,700 comments, at 11 shares mula sa isang Facebook page na may 2,700 followers.
Kalakip ng post ang mga links para magpalista umano at makapag-apply sa ayuda.
Ang katotohanan: Peke ang link, at hindi ito galing sa opisyal na Facebook page ng kagawaran. Sa halip na sa opisyal na website ng DSWD, nagdidirekta sa isang Blogspot site ang umano’y application link.
Hindi kailanman inendorso ng DSWD sa official accounts nito sa Facebook at X (dating Twitter) ang naturang post o ang Blogspot link.
Walang anunsiyo: Hindi man binanggit kung aling programa ng DSWD ang nag-aalok ng ayuda, maaari itong tumutukoy sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) na magbibigay sa mga “near poor” households ng one-time P5,000 cash assistance.
Ayon sa huling ulat ng DSWD ukol sa programa noong Pebrero 14, wala pang cash aid na naipamimigay mula sa AKAP dahil binubuo pa lamang ng DSWD ang guidelines para rito.
Para sa mga low-wage workers: Salungat sa detalye ng Facebook post, tanging mga pamilyang kabilang sa “low-income category” (buwanang kumikita ng P23,000 o mas mababa) ang puwedeng makapag-apply sa AKAP. Kasama rin sa maaaring makatanggap ng ayuda ang mga pamilyang nakalabas na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ngunit kailangan pa rin ng safety net.
Ang mga pamilya o indibidwal na benepisyaryo na ng 4Ps o kabilang sa mga “indigent senior citizens” ay di na maisasama bilang benepisyaryo ng AKAP.
Layon ng AKAP na tulungan ang mga manggagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin. Para sa implementasyon ng programa nitong 2024, tinatayang 12 milyon na pamilya ang makatatanggap ng ayuda.
Fact checked: May ilang fact check na ring inilabas ang Rappler ukol sa mga kahina-hinalang links para sa pagkuha ng ayuda:
- FACT CHECK: DSWD has no program offering ‘immediate’ cash aid
- FACT CHECK: No PhilSys program offering P5,000 aid for national ID holders
- FACT CHECK: DSWD’s Unconditional Cash Transfer program ended in 2020
– Kyle Marcelino/Rappler.com
Si Kyle Marcelino ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.
Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.
Add a comment
How does this make you feel?
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.
|