schema:text
| - SUMMARY
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Buod
- Ang sabi-sabi: Sinabi ni Manila mayor at kandidato sa pagkapangulo na si Isko Moreno na siya ang nagpagawa ng Manila Golden Mosque.
- Marka: HINDI TOTOO
- Ang katotohanan: Walang balita, panayam, o pahayag ang nagpapatunay na sinabi ni Moreno na siya ang nagpagawa ng Golden Mosque na itinayo noong 1970s.
- Bakit kailangan i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 39,600 reaksiyon, 16 komento, at 337,100 views ang post sa TikTok.
Mga detalye
Ayon sa isang post noong Marso 5 ng TikTok user na si “@engr.rence,” sinabi raw ni Manila City Mayor Isko Moreno na siya ang nagpagawa ng Manila Golden Mosque.
Nakalagay sa caption ng post ang linyang “Credit grabber yarn? Pati ba naman Manila Golden Mosque na ipinatayo during Apo Macoy inaangkin na?”
Sa 1:37 timestamp ng video, sinabi ng lalaki kay Sultan Omar Umbaya, administrator ng Golden Mosque, ang linyang “Sultan, sabi po kasi ng iba, lalong lalo na sa mga kababayan natin sa Mindanao, ay gawa daw ito (Golden Mosque) ni Mayor Isko.”
Kaagad sumagot si Umbaya ng “Nako! ’Yan ang nakakagulat. Kahit isang pako, wala siyang naitulong dito. Hindi po totoo ’yan na ginawa ito ni Isko Moreno.”
Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 39,600 reaksiyon, 16 komento, at 337,100 views ang post sa TikTok.
Hindi totoo ang sabi-sabing ito.
Walang balita, panayam, o pahayag mula kay Moreno kung saan sinabi niya na siya ang nagpagawa ng Manila Golden Mosque.
Ang Masjid Al-Dahab, na kilala sa pangalang Golden Mosque, ay matatagpuan sa Quiapo, lungsod ng Maynila. Ito ay itinayo noong 1970s gamit ang mga donasyon mula sa Libya at Saudi Arabia.
Pinasinayaan ni Moreno ang kauna-unahang sementeryo ng mga muslim sa lungsod ng Maynila na matatagpuan sa Manila South Cemetery noong Hunyo 2021. Hindi rin nabanggit ni Moreno ang sabi-sabi sa pagpapasinayang ito.
Ipinahayag ni Umbaya ang kaniyang suporta para sa UniTeam tandem nina presidential candidate Ferdinand Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte nang bumisita ang dalawa sa Golden Mosque noong Marso 5.
Si Moreno ay tumatakbo para sa pagkapangulo at kalaban ni Marcos sa darating na eleksiyon sa Mayo 2022. – Lorenz Pasion/Rappler.com
Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.
Add a comment
How does this make you feel?
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.
|