schema:text
| - SUMMARY
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Buod
- Ang sabi-sabi: Sinabi ni Davao City Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte na gagawa siya ng petisyon upang ipasara ang Unibersidad ng Pilipinas at gawin itong Bagong Pilipinas University o BPU kung saan mandatory ang Reserve Officers Training Corps.
- Marka: HINDI TOTOO
- Ang katotohanan: Nagmula sa isang fan page ni Duterte na “Baste Duterte FP” ang pahayag na ito. Hindi kasama ang nasabing fan page sa tatlong opisyal na Facebook page ni Duterte.
- Bakit kailangang i-fact-check: Pinaniniwalaan ng mga Facebook user na galing kay Duterte ang pahayag na ito, na patuloy na umiikot sa nasabing social media platform.
Mga detalye
Isang post noong Mayo 14 ng Facebook page “Kapamilya Updates” ang nagsasabing plano ni Davao City Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte na gumawa ng petisyon upang ipasara ang Unibersidad ng Pilipinas.
Mababasa sa caption ng post, “Davao City Mayor, Baste Duterte wants to file a petition to shut down the University of The Philippines or UP and change its name to ‘Bagong Pilipinas University.’”
(Nais ni Davao City Mayor Baste Duterte na maghain ng petisyon upang ipasara ang Unibersidad ng Pilipinas at baguhin ang pangalan nito sa “Bagong Pilipinas University.”)
Makikita naman sa larawan ng post ang linyang sinabi umano ni Duterte.
Pinaniniwalaan ng mga Facebook user ang sabi-sabi at kasalukuyan pa rin itong umiikot sa nasabing social media platform.
Hindi totoong sinabi ito ni Duterte.
Ang pahayag ay unang sinabi sa isang post ng fan page ni Duterte na “Baste Duterte FP.” Nilinaw sa isang post ng opisyal na Facebook page ni Duterte na mayroon lamang siyang tatlong opisyal na Facebook accounts: Sebastian “Baste” Duterte, Sebastian Duterte, at Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte.
Hindi rin opisyal na Facebook page ng ABS-CBN ang page na “Kapamilya Updates.” Hindi beripikado ng Facebook ang nasabing page na mayroon lamang 1,700 likes.
Nag-post ng isang paalala ang Facebook page ni Duterte na Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte para sa publiko upang mas maging maingat at hindi kaagad maniwala sa mga Facebook page na nagpapanggap bilang Davao City vice mayor.
“Reminding everyone to be mindful of social media accounts and pages pretending to be Vice Mayor Baste or representing the Davao City Vice Mayor’s Office,” sabi ng post sa Facebook page ni Duterte.
(Pinaaalalahanan ang lahat na maging maingat sa mga social media accounts at pages na nagpapanggap na si Vice Mayor Baste o nagpapanggap na kumakatawan sa opisina ng Davao City Vice Mayor.)
Si Baste Duterte ang bunsong anak ni Pangulong Rodrigo Duterte at nakababatang kapatid ng presumptive vice president na si Sara Duterte. Kasalukuyan siyang nagsisilbi bilang vice mayor ng Davao City simula noong 2019, at siya ay nanalo bilang Davao City mayor sa 2022 elections na ginanap noong Mayo 9. – Lorenz Pasion/Rappler.com
Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.
Add a comment
How does this make you feel?
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.
|