schema:text
| - SUMMARY
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Buod
- Ang sabi-sabi: Ayon sa Bombo Radyo Bacolod, 70 milyon ang dumalo sa rally ng kandidato para sa pagkapangulo na si Leni Robredo at tumatakbo bilang bilang bise presidente na si Senador Francis “Kiko” Pangilinan noong Marso 11, 2022, sa Paglaum Sports Complex, Bacolod City.
- Marka: HINDI TOTOO
- Ang katotohanan: Higit sa 70,000 ang dumalo sa rally. Hindi rin sinabi ng Bombo Radyo Bacolod ang numerong ito.
- Bakit kailangan i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang 303 reaksiyon, 243 komento, at 42 shares ang post na naglalaman ng sabi-sabing ito sa Facebook.
Mga detalye
Kumakalat ang isang post ng Balita Ph sa Facebook na nagsasabing ibinalita raw ng Bombo Radyo Bacolod na 70 milyon ang dumalo sa rally ng kandidato para sa pagkapangulo na si Bise Presidente Leni Robredo at tumatakbo bilang bise presidente na si Senador Francis “Kiko” Pangilinan noong Marso 11, 2022. Naganap ang rally na ito sa Paglaum Sports Complex, Bacolod City, Negros Occidental.
Nakalagay sa post na ito ang sumusunod na pahayag: “Bombo Radyo Bacolod nag kakalat ka ng fake news 70M pumunta? talaga Binuhay niyo mga patay sa Buong Bansa? di ba na f*ck check ng to!”
Nakalagay rin sa post ang screenshot ng orihinal na post ng Bombo Radyo Bacolod, na nakasulat sa Hiligaynon at isinalin sa Ingles ng Facebook. Ayon sa salin na ito, dinumog ng 70 milyon na supporter ang rally na ito.
Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang 303 reaksiyon, 243 komento, at 42 shares ang post na naglalaman ng sabi-sabing ito sa Facebook.
Hindi totoo ang sabi-sabing ito.
Ayon sa mga opisyal na ulat ng Rappler at iba pang lehitimong news outlets, higit sa 70,000 ang dumalo sa Bacolod rally.
Hindi posibleng magkaroon ng 70 milyon na tao sa Bacolod dahil nasa 600,783 lamang ang populasyon nito nang nakarang 2022 census. Ang buong Western Visayas ay nasa 7,954,723 lang ang populasyon.
Naglabas din ng opisyal na pahayag ang Bombo Radyo Bacolod tungkol sa kumakalat na sabi-sabing ito, noong Marso 12, 2022 sa wikang Hiligaynon. Ayon sa kanila, hindi nila iniulat na 70 milyon ang dumalo.
Sa edit history ng post, makikita na ang una nilang ulat noong 7:56 pm ay “Ginabanta 70,000 na ka mga tawo ang nagatambong subong sa Leni-Kiko grand rally sa Paglaum Sports Complex sa Bacolod City.”
(Tinatantiya na 70,000 na tao ang dumalo sa Leni-Kiko grand rally ngayong araw sa Paglaum Sports Complex sa lungsod ng Bacolod.)
Pagdating ng 8:02 pm, pinalitan ito ng kasalukuyang nilalaman ng post: “70,000 na ka mga tawo ang nagatambong subong sa Leni-Kiko grand rally sa Paglaum Sports Complex sa Bacolod City. Ini ang base sa data nga ginpagwa sang Negros Occidental Provincial Administrator’s Office, alas-6:30 sang gab-i.”
(70,000 na tao ang pumunta sa Leni-Kiko grand rally sa Paglaum Sports Complex sa lungsod ng Bacolod. Ito ay base sa datos na inilabas ng Negros Occidental Provincial Administrator’s Office noong 6:30 ng gabi.)
Ayon din sa Bombo Radyo Bacolod, nagpapalabas lamang sila ng mga pahayag sa wikang Hiligaynon at hindi sa Ingles, hindi kagaya ng nakalagay sa kumakalat na post. – Sofia Guanzon/Rappler.com
Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.
Add a comment
How does this make you feel?
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.
|