schema:text
| - SUMMARY
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Buod
- Ang sabi-sabi: Naging selektibo ang publiko, at si Ferdinand Marcos Sr. lamang ang pangulong tinuligsa tungkol sa pagpatay sa mga journalists.
- Marka: HINDI TOTOO
- Ang katotohanan: Sa ilalim ng bawat administrasyon, nagkasa ng mga protesta at nagsampa ng mga reklamo ang mga taga-media tungkol sa pagpatay sa mga mamamahayag.
- Bakit kailangang i-fact-check: Mula ito sa panayam kay Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at nagmumukhang totoo ang kasinungalingang ipinahayag niya dahil ang bersiyon lamang niya ang napapanood ng mga tao sa Facebook Ilang beses na ring ipinakalat ng iba’t ibang pahina ang naturang video.
Mga detalye
Sa ilang video na kumakalat sa Facebook – na mula sa panayam ng mamamahayag na si Kara David kay Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong 2013 – idinidiin ang pagiging selektibo umano ng naging pagkondena ng mga tao tungkol sa nangyaraing pagpatay sa mga journalist. Ama lamang daw ni Bongbong na si Ferdinand Marcos ang sinita at hindi ang iba pang administrasyon.
Pahayag ni Bongbong: “Since the time of my father, mas marami ang pinatay na journalists. As compared noong panahon ng tatay ko, mas marami ang kinidnap. Ano’ng nangyari doon?”
Dagdag pa niya: “That’s why it’s selective. It’s ‘only in Marcos’ time.’ What about the others?” (Kaya selektibo. Marcos time lang. Paano ’yung iba?)
Hindi totoo ang lahat ng sinabi ni Marcos Jr. dito.
Sa panahon kung kailan lumabas ang naturang interbiyu kay Marcos Jr., ilang artikulo na ang naisulat ukol sa nangyayaring pagpatay sa mga mamamahayag sa bawat administrasyon sa Filipinas, at ilang protesta na rin ang ikinasa ng iba’t ibang grupo laban sa karahasang ito.
Ayon sa Philippine Movement for Press Freedom (PMPF), 87 na mamamahayag ang namatay sa panahon ng diktador na si Marcos; 34 sa panahon ni pangulong Corazon Aquino; at 19 sa ilalim ni Fidel Ramos.
Pumalo naman sa 83 na manggagawa ng midya ang namatay sa ilalim ni Gloria Macapagal Arroyo, at 31 sa panahon ni Benigno “Noynoy” Aquino III, ayon sa datos ng Center for Media Freedom and Responsibility.
Ayon naman sa tala ng National Union of Journalists of the Philippines, 22 na tagamidya ang nasawi sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ilang beses nang nagkasa ng protesta at nagsampa ng reklamo ang PMPF tungkol sa mga nangyaring pagpatay sa mga mamamahayag. Iba’t ibang grupo rin ng midya at people’s organization ang ilang taong nagprotesta sa naganap na Ampatuan massacre sa Maguindanao, kung saan 32 na media workers ang nasawi noong 2009. – Rochel Ellen Bernido/Rappler.com
Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.
Add a comment
How does this make you feel?
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.
|