schema:text
| - SUMMARY
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Buod
- Ang sabi-sabi: Isang post noong Martes, Nobyembre 9, ang nagsasabing inireklamo raw si Manila Mayor at presidential aspirant Isko Moreno sa Commission on Elections (Comelec) matapos umanong mamili ng boto.
- Marka: HINDI TOTOO
- Ang katotohanan: Ang clip na ipinakita sa YouTube ay kuha noong halalan noon 2019, hindi sa taong 2021. Nang isulat ang fact check, wala pang opisyal na pahayag ang Comelec ukol sa nasabing isyu.
- Bakit kailangan i-fact-check: Mabilis na ikinalat ng iba’t-ibang YouTube at Facebook users ang sabi-sabing ito. Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang 141,211 views at 1,506 komento ang bidyo sa YouTube.
Mga detalye
Isang bidyo mula sa YouTube channel na “Showbiz Fanaticz” noong Martes, Nobyembre 9, ang nagsasabing inireklamo raw si Manila Mayor at presidential aspirant Isko Moreno sa Commission on Elections (Comelec) matapos umanong mamili ng boto.
Ang pamagat ng nasabing video ay “VIRAL! Mayor ISKO MORENO, INIREKLAMO NA sa COMELEC| KAMPO ni ISKO KALABOSO Matapos BUMILI ng BOTO!?”
Ipinakita sa bidyo ang diumano’y pagbili ng boto ng kampo ni Moreno. Makikita naman sa thumbnail ng nasabing bidyo ang larawan ni Moreno at ni Comelec Spokesperson James Jimenez.
Mabilis na ikinalat ng iba’t-ibang YouTube at Facebook users ang sabi-sabing ito. Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang 141,211 views at 1,506 komento ang bidyo sa YouTube.
Hindi totoo ang sabi-sabing ito.
Gamit ang reverse image search, nakita na ang video clip na nagpakita ng diumano’y pamimili ng boto ng kampo ni Moreno ay kuha noong halalan noong 2019, at hindi sa kasalukuyang kampanya.
Bagamat maaaring gamiting ebidensiya ng pamimili ng boto ang nasabing clip, wala pang ibinibigay na opisyal na pahayag ang Comelec tungkol sa isang kaso kaugnay ng paglabag ng kampo ni Moreno sa anumang probisyon ng Omnibus Election Code (OEC). Wala ring lehitimong balita ang lumabas mula sa mga news outlet tungkol sa nasabing isyu.
Si Moreno ay tumakbo bilang alkalde ng lungsod ng Maynila noond 2019. Tinalo niya si dating pangulong Joseph “Erap” Estrada at dating alkalde ng lungsod na si Alfredo Lim.
Ayon sa Section 261 ng OEC, ilan sa maituturing na pamimili ng boto ang pamimigay ng pera o materyal na bagay; pangako ng trabaho, posisyon, prangkisa, at grant; at ang panghihikayat sa mga botante na huwag nang bumoto.
Maaaring makulong, magbayad ng multa, at mawalan ng karapatang bumoto ang mga botanteng napatunayang lumabag sa nasabing batas, habang ang mga kandidato naman ay maaaring patawan ng panghabambuhay na diskalipikasyon mula sa paghawak ng posisyon sa gobyerno.
Sinasabi naman ng Section 267 na maaari pa ring ireklamo ang isang paglabag sa OEC limang taon matapos mangyari ang paglabag.
Noong Oktubre 27, nagbigay ng pahayag si Moreno kaugnay sa pamimili ng boto. Sinabi niya na hindi masisisi ang taumbayan kung tatanggapin nila ang pera na ibinibigay sa kanila.
“Hindi mo masisisi ang tao na tumatanggap ng pera sa hirap ng buhay. Ngunit matalino ang Pilipino. Alam nila kung sino ang tunay na lider na may malasakit sa kanila at kung sino ang fake,” sabi ni Moreno.
Uminit ang isyu ng vote buying matapos sabihin ni Bise Presidente Leni Robredo na iminumungkahi niya sa mga botante na tanggapin ang pera, ngunit bumoto nang ayon sa konsensiya.
Binigyang diin naman ni Jimenez sa isang pahayag na ang pamimili ng boto ay paglabag sa batas at hindi dapat kinukunsinti. – Lorenz Dantes Pasion/Rappler.com
Si Lorenz Dantes Pasion ay isang Rappler intern. Ang fact-check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor. Basahin ito para sa karagdagang detalye tungkol sa internship program ng Rappler.
Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.
Add a comment
How does this make you feel?
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.
|