schema:text
| - SUMMARY
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Buod
- Ang sabi-sabi: Hindi aprobado ang Konstitusyon na ginawa sa ilalim ni Pangulong Corazon Aquino.
- Marka: KULANG SA KONTEKSTO
- Ang katotohanan: Nang maging pangulo si Corazon Aquino sa pamamagitan ng isang mapayapang rebolusyon, sinuspindi niya ang mga probisyon ng 1973 Konstitusyon na makakapagpanatili kay Ferdinand Marcos sa kapangyarihan. Itinuring itong transitory constitution habang isinusulat ang bagong konstitusyon. Ang saligang batas na isinulat ng Constitutional Commission noong Oktubre 1986 ay inaprobahan ng mga mamamayan sa isang plebisito noong Pebrero 1987.
- Bakit kailangan i-fact-check: Sa live stream ng SMNI News noong Pebrero 19, 2022, sinabi ng dating defense minister ni Marcos na si Juan Ponce Enrile na diktador si Aquino dahil gumamit ito ng transitory constitution na ang nag-aproba lamang ay ang Gabinete nito.
(Mula sa Editor: Ang fact check na ito ay in-update para mas malinaw na pag-ibahin ang freedom constitution at ang 1987 Konstitusyon, at dinagdagan ng paliwanag para pabulaanan ang sabi-sabi na maituturing na diktadura ni Aquino ang paggawa ng bagong saligang batas. Dahil sa updates, pinalitan ng KULANG SA KONTEKSTO ang dating HINDI TOTOO na rating ng fact check.)
Mga detalye
Noong Pebrero 19, lumabas si dating senador Juan Ponce Enrile sa SMNI broadcast at nagbigay ng mga pahayag tungkol sa Martial Law sa ilalim ng diktador na si Ferdinand Marcos, kung kailan siya ang defense minister. Paparating noon ang anibersaryo ng EDSA People Power Revolution na nagpatalsik sa administrasyon ni Marcos.
Sinabi ni Enrile: “Si Cory [Aquino], siya ang diktador. Gumawa siya ng saligang batas niya na hindi naman inaprobahan ng bansa. Ni kami na kasama niya, kasama sa pangkat niya noong EDSA Revolution dahil by force of circumstance, eh hindi kami kinonsultahan eh. Sila lang ni Neptali Gonzales at ’yung kanyang Gabinete ang gumawa ng revolutionary constitution. ’Yun ang tunay na diktadura.”
Ayon kay Enrile, hindi aprobado ng mamamayang Pilipino ang Konstitusyon na ginawa sa ilalim ng administrasyon ni Corazon Aquino.
Kulang sa konteksto ang pahayag na ito.
Si Enrile ay ang dating justice secretary at defense minister ni Marcos bago lumipat sa kampo ni Aquino noong nangyari ang People Power Rebolusyon. Si Neptali Gonzales ay justice minister ni Aquino mula 1986 hanggang 1987.
Ayon sa artikulo tungkol sa 1987 Konstitusyon na inilabas ng Official Gazette, ang opisyal na publikasyon ng gobyerno ng Pilipinas, sinuspindi ni Aquino ang ilang probisyon ng 1973 Konstitusyon – hindi ang buong saligang batas – sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 3.
Pinoprotektahan ng Proklamasyon Blg. 3 ang Konstitusyon mula Artikulo I hanggang XII. Sinuspinde lamang ang mga probisyon na maaaring makapagpanatili ng kapangyarihan ng pinatalsik nang diktador. Kasama sa mga papalitan noon ang Artikulo VIII hanggang XVII na tumutukoy sa sumusunod: VIII (Batasang Pambansa (Parliament)), IX (Prime Minister at Cabinet), XVI (Amendments o Pagbabago), XVII (Transitory Provisions o Pansamantalang Probisyon).
Itinataguyod ng Proklamasyon Blg. 3 ang maayos na paglipat ng pamamahala ng gobyerno sa ilalim ng isang bagong konstitusyon, sa pamamaraan ng paggamit ng isang pansamantalang saligang batas, o provisional constitution sa Ingles. Tinawag itong freedom constitution o revolutionary constitution.
Dahil nasa konteksto ng rebolusyon ang pagkakaupo ni Aquino bilang pangulo, hindi diktadura ang pagkakaroon pantawid na saligang batas (na sa katunayan ay ang 1973 Konstitusyon din) habang isinusulat ang bagong dokumento. Tanging Gabinete ang makakapag-aproba ng transitory constitution dahil walang lehislatura noon.
Kung tutuusin, walang ibang konstitusyon na isinulat sa ilalim ng administrasyon ni Aquino kundi ang 1987 Konstitusyon na umiiral sa bansa hanggang sa kasalukuyan.
Noong Abril 1986, binuo ang Constitutional Commission (ConCom) sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 9. Kabilang sa komisyon na ito ang 48 na kinatawan na nominado ng iba’t ibang sektor sa buong bansa para sumulat ng bagong saligang batas.
Nagkaroon ng pambansang plebisito noong Pebrero 11, 1987, kung saan 21 milyon ang nagsiboto at 76% nila ang nag-aproba ng 1987 Konstitusyon. (BASAHIN: FAST FACTS: 1987 Philippine Constitution) – Sofia Guanzon/Rappler.com
Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline, ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler o bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.
Add a comment
How does this make you feel?
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.
|