schema:text
| - SUMMARY
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Buod
- Ang sabi-sabi: Ipatutupad ang bagong presyo ng bigas na P20 kada kilo simula Mayo 16, katulad ng ipinangako ni presumptive president Ferdinand Marcos Jr. noong siya ay kandidato sa pagkapangulo.
- Marka: HINDI TOTOO
- Ang katotohanan: Walang kahit anong anunsiyo ang Department of Agriculture kaugnay ng pagbaba ng presyo ng bigas. Ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority sa presyo ng bigas sa bawat rehiyon ng bansa, naglalaro mula P32.50 hanggang P58.81 ang presyo ng iba’t-ibang uri ng bigas.
- Bakit kailangang i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 307 reaksiyon, 142 komento, at 2,500 shares ang post sa Facebook.
Mga detalye
Isang post noong Mayo 13 ng Facebook user “Насолоджуйтесь Лінгокон” ang nagsasabing ipatutupad ang bagong presyo ng bigas na P20 kada kilo simula Mayo 16.
Makikita sa post ang teksto na nakapatong sa isang larawan ng mga bigas na nagsasabing “20php per kilong bigas ipapatupad na simula lunes.”
Nakapatong din sa post ang isang larawan nina presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at presumptive vice president Sara Duterte.
Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 307 reaksiyon, 142 komento, at 2,500 shares ang post sa Facebook.
Hindi totoo na magiging P20 ang presyo ng bigas.
Walang anunsiyo ang Department of Agriculture sa kanilang Facebook page kaugnay ng pagbaba ng presyo ng bigas.
Base naman sa pinakahuling datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority noong Mayo 4, ang presyo ng bigas sa bawat rehiyon ng bansa ay naglalaro mula P32.50 hanggang P44.90 para sa regular-milled rice, P35.63 hanggang P50.78 para sa well-milled rice, at P43.38 hanggang P58.81 para sa special rice.
Matatandaan na noong Abril ay nangako si Marcos na pabababain niya ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo kapag siya ay nahalal na pangulo ng bansa. Inalmahan ito ng mga miyembro ng Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka (Pakisama) at ng mga magsasaka ng Sumilao, Bukidnon.
“Sa ngayon po ang presyo ng palay sa amin ay P12, at ang bigas ang pinakamababa ay P42. Ibig sabihin, ‘pag ginawa nilang P20, baka ang bili na lang sa farm gate ay P6…. Mahal pa po ‘yun sa sigarilyo kesa sa isang kilong bigas. Ganun ang epekto sa amin,” sabi ni Pakisama legal and policy advocacy officer Rene Cerilla. – Lorenz Pasion/Rappler.com
Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.
Add a comment
How does this make you feel?
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.
|